Irina Krishen Loanzon
G8-ODL 36(STE)


Tila tayo ay mga presong nakakulong sa ating mga bagay dulot ng pandemyang nararanasan natin ngayon dahil sa COVID-19. Kasama rin sa ating mga pagdurusa ang pagpapatigil ng pagpasok sa eskwelahan. Kaakibat ng hindi pagsasagawa ng face-to-face classes ay ang hindi pagdaraos ng iba’t ibang mga kompetisyon ng mga paaralan katulad ng mga Quiz bee, Essay writing contests, at Journalism. Subalit ano pa mang hirap ang dulot ng pandemyang ito, sabi nga nila ay kung gusto ay maraming paraan. 

Sa pagkakataong ito ay napagdesisyon ng ating paaralang Cavite National High School na isagawa ang School Press Conference. Sa loob ng tatlong araw, simula Mayo 10 hanggang 12 ay may magkakaibang kategoryang nagtagisan at nagtapatan ng kanilang husay sa pagsusulat at pagbabalita. Sa pagdaan ng mahigit isang taon, tila muling nabuhayan ang mga mag-aaral at dito na lang namin muling naramdaman ang pagkagalak na nadarama namin noong normal pa ang lahat. 

Bilang isang mag-aaral na mula pa noong ikaapat na baitang ay kabilang na rito, walang kapantay na saya ang naramdaman ko nang ianunsyo nila ang balitang ito noong ika-5 ng Mayo. Marami talaga ang nagalak, umaasang maipamalas muli nila ang kagalingan nila matapos ang matagal na panahon. Hindi maitatangging ang Journalism ay naging malaking parte na sa buhay ng mga estudyante, lalo na sa mga matagal na talagang namamahayag. 

Hindi na rin kagulat-gulat na maraming interesadong sumubok sa paligsahang ito. Mayroon talagang mga kahanga-hangang mamahayag sa bawat kategorya. Nakatutuwa lamang na hindi naging hadlang ang bago nating sitwasyon sa kasakuluyan sa pagsali ng mga kalahok. Kahit na ang bawat isa sa atin ay nasa likod lamang ng sari-sarili nating mga screen, naging matagumpay ang tatlong araw na paligsahan. Talagang nalagpasan ng lahat ang mga suliraning maaaring pumigil ng paligsahang ito katulad ng pagkawala ng koneksyon, pagiging abala sa mga gawain, at hindi lubusang pagkakaunawaan. Wala nga sigurong imposible kung lahat ay determinadong manalo at maihayag ang kanilang mga gawang artikulo.

Sumapit ang Martes, Mayo 18, ang araw na ito na ang pinakahihintay ng lahat. Dito na inilabas ang naging resulta ng mga nanalo sa kompetisyon, at dito na rin magbubukas ang panibagong pinto, oportunidad upang tuluyang maipakita ng mga manunulat na ito ang kanilang kagustuhang magsulat. Bilang isa sa mga sumali, alam ko at lubusan kong nauunawaan ang kabang nararamdaman ng bawat isa. Lahat kami ay ayaw nang sayangin pa ang pagkakataong ito dahil napakahalaga nito, na kahit may pandemya o maraming suliranin sa paligid ay nagagawa pa rin natin itong ipagpatuloy. 

Parang naglaho bigla ang tinik sa lalamunan ng mga kalahok nang makita ang pangalan nila na malaki ang tyansang mapipili. Hindi man nagwagi ang iba, alam kong masaya pa rin sila na naibahagi nila ang kanilang taglay na husay at kahit papaano ay sinubukan pa rin nila. Hindi mapipigilan ang ngiti ng lahat sapagkat iisa lang naman ang layunin naming mamamahayag, at iyon ay maihatid nang maayos ang mga balita sa mga mambabasa at walang ibang papanigan kundi ang katotohanan. 

Sa kabila ng lahat ng negatibong nangyayari sa ating lahat, isa ito sa mga patunay na walang makahahadlang sa determinasyon at kagustuhan ng isang batang manunulat na maghatid ng balita para sa kanyang mga mambabasa. Lalo na ngayong tumagal ang pagkakataon ito, alam ko kung gaano na kagusto magsulat ng mga mag-aaral tungkol sa mga nangyayari sa ating paligid. Hindi pandemya, sobrang daming gawain, o mahinang koneksyon ang makakapigil sa isang tunay na manunulat na gawin ang kanyang tungkulin. Nawa’y maitatak ng lahat sa kani-kanilang mga isipan na walang kahit anong problema ang basta-basta na lang makadudurog sa atin, bagkus ay isa itong paraan upang mahikayat tayong mas magpursigi pa.