Sa bawat pagtipa ng mga letra ang nakakapagod na araw na sumasalamin sa kaniyang mga mata. Marahil ay mahirap ang maging isang guro sa umaga kasabay nang pagiging “vlogger” sa pagsapit ng takip-silim. Hindi naging alintana ang ingay ng mga bibig sa bawat gabing  pumapaligid sa kaniyang tahanan matapos lamang ang isang lesson at tutorial vlog. Sa pagsapit naman ng umaga ay suot na ang uniporme, handa nang humarap sa kamera bilang isang guro.

            Ito ang naging daloy ng buhay sa pagsapit ng pandemya para sa teacher-vlogger na si Louie-Zel M. Pedro o kung madalas tawagin ay “Sir Louie”, isang guro sa Pambansang Mataas na Paraalan ng Cavite. Tambak na gawain at samu’t-saring pagsubok, naging saksi ang kaniyang planner sa kabila ng mga ito.

            “Bilang guro na biglaang sumabak sa ganitong set-up ng new normal ng edukasyon, mahirap siya in a sense na kailangan mong matuto about technology, kailangan mong mag-isip ng mga creative ideas para mag-improve ang teaching and learning process kahit nasa pandemic tayo at syempre, kailangan mong mag-adjust ng matindi para sa pagkatuto ng mga estudyante,” ani Sir Louie nang tanungin tungkol sa mga pagsubok na kaniyang kinaharap bilang isang guro ngayong pandemya.

            Bukod sa pagiging isang guro sa umaga ay pinasok na rin ni Sir Louie ang mundo ng YouTube kung saan binalak niyang gawin ito bilang storage ng mga educational lessons and tutorials sapagkat siya ay gumagawa ng isang website na kung tawagin ay “Caviteñan Virtual Teaching o CaviTeach” na isang one-stop open educational resource portal. Hindi inaasahan ng guro na magiging mainit ang pagtanggap sa kaniya ng YouTube community. Kumakailan lamang ay nagsimula nang lumaki ang kaniyang channel na mayroong mahigit 60,000 subscribers sa kasalukuyan. Sa kabila ng mga paghihirap na kaniyang naranasan sa bagong normal ng edukasyon ay nagbunga naman ito ng magandang resulta sapagkat nito lamang ay ginawaran siya ng “Gawad Magiting – Most Outstanding Teacher” noong 2020 Division Search. Naging inspirasyon ni Sir Louie ang kaniyang pamilya na sinuportahan siya mula pa noong umpisa gayundin ang kaniyang dating Department Head na si Mrs. Madelaine Gatchalian at ang dating Principal na si Mr. Augusto D. Ferma sa tiwalang kanilang ibinigay at mga payong hanggang ngayon ay nakatatak pa rin sa kaniyang isipan.

            Kung minsan ay nasa rurok ng saya sa bawat tagumpay na nakakamit, hindi pa rin nagpatalo ang karanasan na muntikan nang magtulak kay Sir Louie na talikuran ang mga bagay na kung minsan ay nawawalan na nang saysay para sa kaniya. Naranasan niya ang mapait na pagsubok bilang isang content creator sa YouTube. Minsan na rin siyang nawalan ng gana sa paggawa ng mga contents dahil inakala niyang walang tatangkilik nito kasabay nang pagka-ubos ng mga ideya na magsisilbing kaluluwa ng kaniyang YouTube Channel. Subalit sa kabila nang mga ito, hindi pa rin siya sumuko at patuloy na binibalikan ang dahilan kung bakit at kung para kanino niya ba ginagawa ang mga ito.

            Marahil ay kilala si Sir Louie bilang isang mahusay na guro at vlogger, ngunit hindi alam ng karamihan ang kaniyang buhay sa likod ng mga ito. Sa labas ng paaralan at YouTube, ay mayroon din siyang mga bagay na pinagkaka-abalahan. Tulad ng karamihan, mahilig din si Sir Louie sa mga mobile at computer games. Bago pa man ang pandemya ay nakahiligan niya rin ang magtravel. Bilang isang normal na tao na namumuhay sa kasalukuyan at nakakaranas ng matinding pagsubok dahil sa pandemya, nangingibabaw din ang takot ni Sir Louie para sa kaniyang sarili at pamilya. Sa kabila ng pangamba para sa sarili, hindi pa rin maiaalis sa guro ang pagpapahalaga sa kaniyang mga mag-aaral na minsan nang nawalan ng pag-asang matuto’t makapagtapos.

            “Your feelings are valid. Alam kong stressed na stressed na kayo. Alam kong in one way or another e’ talagang naapektuhan ang mental well-being niyo. Isipin niyo lang kung para saan at kung bakit ninyo ito ginagawa. ‘Yang rason na ‘yan ang gamitin ninyong sandigan at inspirasyon to go on and endure the struggles that you are experiencing. Tiis tiis lang at sabay sabay natin itong malalampasan. Di natin mamamalayan, tapos na itong lahat and we’re just going to look back at this, and we’ll proudly say na nakayanan natin lagpasan ito,” ani Sir Louie bilang mensahe sa mga mag-aaral.

            Minsan mang napagod sa bawat pagtipa ng letra at pagtitiis sa maingay na paligid makagawa lamang ng content para sa mga mag-aaral, ay hindi ito naging dahilan upang siya ay tumigil at mawalan ng pag-asa. Mapanudyo man ang tadhana sa sinapit ng mga tao bunsod ng pandemya ay mananatiling inspirasyon si Sir Louie at ang kaniyang unipormeng malapit nang kumupas bilang tanda ng kaniyang mahabang serbisyo. Patuloy na magsisilbing kandili para sa mga kabataan, at para na rin sa inang bayan.